Art In Action
Armenian - Bosnian - English - French - Korean - Polish - Portuguese - Russian - Spanish - Tagalog - Vietnamese - Simplified Chinese
Maligayang pagdating sa Kapulungan ng SEIU ng 2024! Lubos kaming natutuwang magkasama tayo ulit. Maghanda para sa isang pasabog ng sining, musika, at mga tradisyon na nagtatanghal ng galing ng ating unyon. At magdaragdag din kami ng patikim ng Philly, ang Lungsod na Nagmamahal sa Iyo Pabalik. May talagang katangi-tanging talento kaming inihanda para magbigay ng tuwa, pag-asa, at mainit na pakiramdam ng pagsasama-sama sa ating lahat.
ANG MAKIKITA NATIN
Kah Yangni
Si Kah Yangni, anak ng mga imigrante mula sa Cameroon, ay isang illustrator na nakatira sa Philadelphia, PA. Lumilikha siya ng napakamakulay na sining tungkol sa hustisya, pagiging queer, at ligaya, gamit ang ginupit-gupit na papel, mga drawing, pintura, at Photoshop para makapagpamalas ng mundo kung saan malaya tayo.
Symone Salib
Si Symone Salib ay isang first-generation na Cuban/Egyptian na street artist, manlilikha ng mural, at tagapagturo ng trauma-informed sa Philadelphia. Mula noong 2017, gumagamit siya ng pintura at illustration para i-highlight ang mga buhay ng mga tao sa buong Philadelphia. Nagsisikap siyang magbigay ng ligaya at gumawa ng espasyo kung saan hindi lang nakikita ang mga tao, kundi pinapakinggan at pinapahalagahan din. Si Symone ang artist na namamahala sa art build sa Lungsod Unyon, at mapapanood mo siyang lumikha nang live sa ating pagtatapos na pagdiriwang.
ANG MAPAPAKINGGAN NATIN
DJ Royale
20 taon nang nasa kabila ng mga turntable, nagbibigay-inspirasyon ang koneksyon ni Royale sa musika sa mga tagapakinig na may hilig sa style. Mula sa mumunting pagsisimula bilang libangan sa kwarto hanggang sa pagtatanghal sa harap ng milyon-milyon sa Master of The Mix ng VH1. Nakaugat sa Philly soul at hinubog ng mga tunog ng mundo, patuloy na umiigpaw si Royale sa mga hanggahan ng genre at pumapanday ng landas na tanging kanya. Uumpisahan ni DJ Royale ang ating programa bawat araw kasama ang iba pang DJ. Isasama niya ang iba’t ibang istilo ng musika at tinig para maipakita ang pagkakaroon ng ating unyon ng maraming kultura at henerasyon.
DJ Kendollaz
Umani ng atensyon mula sa mga madla ng nightlife sa Philly at NYC ang likas na kakayahan ni DJ Kendollaz na pakiramdaman ang madla at pagkaisahin ang dance floor. Nagbibigay siya ng damdamin at pagkatao sa bawat event at isa na siyang simbolo ng entertainment para sa iba-ibang nag-a-identify na grupo at kultura. Asahang mapakinggan ang lahat mula sa Hip-hop, R&B, hanggang sa Afrobeats, Soul, at marami pa.
DJ Kevin Kong
Mauugat ang pag-DJ ni Kevin Kong noong 1999, noong nagsimula siyang tumugtog sa mga nakakapawis na dance party sa umiinit na nightlife scene ng Philadelphia. Ipinagmamalaki ni Kevin ang pakiramdam niya sa mga gusto ng madla at ang walang hirap na paggawa niya ng mga blend mula sa isang genre tungo sa isa pa. Mula sa mga pop anthem at sing-a-long hanggang sa cool na indie vibes, nandito si Kevin para pasiglahin ang experience mo.
DJ MUSHO
Malakas ang dating ni DJ Musho sa bawat isa sa mga DJ set niya. Tubong Atlantic City, noong lumipat siya sa Philly, lumago ang pagmamahal niya sa club music at lumalim ang pagnanais niyang pagkaisahin ang lahat ng uri ng tao. Lumaki si Musho na b-boy at all-around na dancer, kaya ang pandama niya sa kung anong record ang patutugtugin ay base sa kung mapapasayaw ba siya ng kanta.
Ursula Rucker
Si Ursula Rucker ay isang interdisiplinaryong makata, magtatanghal, at recording artist na may mga kathang nililimi ang personal na kasaysayan, pamilya, at lugar. Inilalarawan niya ang katha niya bilang matatagpuan “sa hanggahan ng mga lupain ng tula.” Nakapaglabas na ng limang album si Rucker at nakipag-collaborate na siya sa isang malawak na hanay ng mga artist sa labas ng larangan ng pagtula. Magtatanghal siya ng isang kinomisyong tula na kumakausap sa mga kuwento ng mga miymebro ng SEIU sa Mayo 20.
Batala Philly
Ang Batala Philly ay isang all-percussion na banda ng komunidad na tumutugtog ng Samba Reggae na musika mula sa Salvador, Bahia, Brazil. Pampasigla at pampasayaw ang natatangi nilang tunog. Bahagi ang Batala Philly ng mas malaking pamilya ng Batala, isang internasyunal na proyekto ng samba reggae na musika na nakabase sa Salvador de Bahia, sa hilagang-silangang Brazil.
Mad Beatz
Mula noong pagkatatag nito noong 2013, nakasama na ng Mad Beatz ang mahigit 100 mag-aaral sa high school mula sa mga sityo ng Kensington at West Philadelphia na gustong matutong mag-drums. Mahigit dalawang dosena ang nagkaroon na ng mga karera bilang propesyonal na musikero o tagapagturo. Hindi lang nagtuturo ng drums ang Mad Beatz, lumililok ito ng mga kinabukasan at pangarap!
West Philadelphia High School Marching Band
Kilala ang West Philadelphia High School Marching Band sa bukod-tangi nitong performance at dedikasyon sa kagalingan sa larangan ng musika. Ang dynamic na ensemble na ito ay nakahuli na ng mga puso sa buong lungsod at nagbibigay ng ligaya sa pamamagitan ng masisigla nitong routine at event para sa komunidad.
PAANO TAYO GAGALAW
Philadelphia Suns Lion Dancers
Philadelphia Suns Ang Philadelphia Suns ay mga kabataan ng Philadelphia na nakatuon sa pagpreserba ng mahahalagang tradisyon at ritwal sa Asian American na komunidad. Ang mga lion dancer ay mga performer na lumalahok sa tradisyunal na Chinese na sayaw na kilala bilang lion dancing. Ang makulay at dynamic na sayaw na ito ay karaniwang itinatanghal tuwing may maliligayang okasyon gaya ng Chinese New Year, mga kasal, at iba pang event na may ipinagdiriwang.
Los Bomberos De La Calle
Ang Los Bomberos De La Calle ay isang grupo ng mga musikero na nakabase sa Philadelphia at nagtatanghal ng mga tradisyunal at kontemporaryong istilo ng musikang Bomba at Plena mula sa Puerto Rico. Ang Bomba ay tradisyunal na Afro-Puerto Rican na istilo ng musika at sayaw na nagmula sa mga taniman ng asukal sa Puerto Rico noong panahon ng kolonisasyon. Malalim ang ugat nito sa mga ritmo at tradisyong African, partikular na ng mga komunidad na West African Yoruba, Bantu, at Congolese na dinala sa isla bilang mga alipin.
PUREMOVEMENT
Ang Rennie Harris Puremovement Dance Theater Company ay pinamumunuan ni Lorenzo "Rennie" Harris, na ipinanganak at pinalaki sa isang African-American na komunidad sa North Philadelphia. Noong 1992, itinatag niya ang Rennie Harris Puremovement, isang kumpanyang teatro ng hip-hop na sayaw na nakatuon sa pagpreserba at pagpapalaganap ng kulturang hip-hop. Isinulong ng kumpanya ang hip-hop at street dance sa mga bagong espasyo at itinaguyod nito ang kasaysayan at pamana ng mga ito.
Fletcher Street Urban Riding Club
Kilala ng marami ang Fletcher Street Urban Riding Club sa pelikulang Concrete Cowboy na isinulat tungkol sa kanilang organisasyon at mga tagapagtatag, sina El Dog at Choo Choo Charlie, na idinala ang kanlungang komunidad ng kabataang ito sa mga lansangan ng Philadelphia noong 1950s. Mahigit isang siglo nang umiiral sa Philadelphia ang totoong buhay na komunidad ng mga Black urban cowboy. Misyon ng Fletcher Street ang magbigay sa komunidad ng alternatibo sa panlabas na panlibangang aktibidad at ang hikayatin ang kabataan ng lungsod sa equestrian sports habang nagtuturo ng mga kasanayan sa buhay at disiplina at nagpo-promote ng kahusayan sa paaralan.
KUNG PAANO TAYO MAGDIWANG
DJ Jazzy Jeff
Si DJ Jazzy Jeff, ipinanganak bilang Jeffrey Allen Townes sa West Philadelphia, ay isang pigura na nagkaroon ng malaking impluwensya sa lokal at global na landscape ng musika. Sumikat noong huling bahagi ng '80s kasama si Will Smith bilang sina DJ Jazzy Jeff & The Fresh Prince, ang pangunguna ni Jeff sa mga turntable at galing niya sa produksyon ang naging dahilan kung bakit nakilala ang pangalan niya sa mga sambahayan. Lampas sa karera niyang premyado ng Grammy, lumilitaw ang paninindigan ni DJ Jazzy Jeff sa kanyang mga pinagmulan sa pamamagitan ng pakikisangkot niya sa music scene ng Philadelphia, kung saan nagtuturo siya ng mga batang artist at lumalahok sa mga lokal na event.
Joan Jett and the Blackhearts
Si Joan Jett, na ipinanganak sa isang suburb ng Philadelphia, ay isang unapologetic na rebeldeng spirit na lumikha ng ilang trailblazing na awiting rock. Pagkatapos itatag ang The Runaways noong huling bahagi ng '70s, lumipat si Jett sa Long Beach, New York. Gayunpaman, sa Wynnewood, Pennsylvania, niya nakilala ang producer at songwriter na si Kenny Laguna, isang partnership na muling magpapasiklab sa karera niya at hahantong sa pagbuo ng Joan Jett & the Blackhearts. Ang mga gawa nila, lalo na ang patok na "I Love Rock 'n Roll," ay naging mga awitin ng empowerment at rebelyon na mataimtim na tumalab sa fans sa buong mundo. Tumatagas sa mga pagtatanghal ni Jett ang enerhiya at pagsuway ng rock music, na kinakatawan ang diwa ng katatagan at pagsasarili.
Lila Downs
Si Lila Downs, isinilang sa Tlaxiaco, Oaxaca, Mexico, sa isang inang Mixtec at amang American, ay nilakbay na ang pagtatagpo ng mga kultura, wika, at hamong panlipunan para makapagtaguyod ng isang natatanging boses na nananawagan para sa hustisyang panlipunan, mga karapatang katutubo, at pagkakapantay-pantay. Ginagamit ni Downs ang kanyang musika bilang tulay sa pagitan ng mga mundo, at kumakanta siya sa Spanish, English, at iba pang katutubong wika. Hindi natatakot si Downs na tugunan ang mga pakikibaka at tagumpay ng mga taong manggagawa, mula sa mga kantang binabagtas ang mga suliranin ng mga migrante hanggang sa mga awiting ipinagdiriwang ang yaman ng katutubong kultura.
The Roots
Kinakatawan ng The Roots ang diwa at katatagan ng lungsod nang walang katulad. Binuo noong 1987 nina Tariq "Black Thought" Trotter at Ahmir "Questlove" Thompson, hindi lang nila inilagay sa mapa ang Philly pagdating sa mundo ng hip-hop at live na musika, pero nagpanatili rin sila ng matitibay na ugnayan sa lungsod sa kabuuan ng tanyag nilang karera. Kilala sa kanilang eclectic na pamamaraan sa musika, na nagsasanib ng jazz, funk, soul, at rap, palaging itinutulak ng The Roots ang mga hangganan ng hip-hop. Ang taunan nilang Roots Picnic festival ay isa nang institusyon sa Philadelphia, at ipinagdiriwang nito ang musika, kultura, at komunidad.
Updated May 10, 2024